
Nakarating sa amin ang balita na pinipigilan daw at hindi binibigyan ng pahintulot ng ating Punong Bayang ang Fluvial Parade at Concert sa barangay Niugan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Mahal na Patrong San Pablo. WALA PONG KATOTOHANAN ANG AKUSASYONG ITO.
Sa unang araw pa lamang ng kanilang pakikipag-koordina sa Tanggapan ng Punong Bayan ay nagsikap na po kaming makatugon. Agad ipinatawag ni Mayor Jowar ang aming kinatawan upang sabihin na alalayan at tulungan ang Organizing Committee sa pag-aayos at sa katunayan ay naikasa agad ang unang pagpupulong noong Enero 12.
Narito po ang kronolohiya ng mga pangyayari:
January 12, 2025 (Linggo, 2:00PM)
Nakipagpulong ang Pinuno ng MDRRMO na si Carlos R. Rivera Jr. sa atas ng ating Punong bayan upang alamin ang plano ng pamunuan ng fiesta sa kanilang mga programa at alamin kung ano ang mga maitutulong ng Pamahalaang Bayan ng Angat.
January 15, 2025. Pumunta ang mga kinatwan ng pamunuan ng Fiesta sa tanggapan ng MDRRMO upang magpatulong sa kanilang mga inilalatag na plano. Nagbigay ng kaukulang gabay ang MDRRMO.
January 17, 2025. Sa Pagpupulong ng Samahan ng C/MMDRRMO ng Bulacan inihain ang mga programang magaganap sa Enero 24 at 25 at humingi ng Rescue assistance sa ibang bayan sa ating lalawigan.
January 19, 2025. Sa pagdating ng PBA Legends ay nagpadala ng Rescue Team at ambulansya ang MDRRMO upang masiguro ang agarang pagtugon kung may maganap na insidente sa gaganaping palaro.
January 21, 2025. Pumunta ang mga kinatawan ng pamunuan ng Fiesta kasama ang ilang kinatawan mula sa Philippine Coastguards sa Tanggapan ng Punong Bayan upang humingi ng Certificate ng No Objection (Papeles na kuinakailangan ng Philippine Coastguard upang sila ay pahintulutang makatulong sa darating na Fluvial Parade).
Batay sa rekomendasyon ng MDRRMO at Angat PNP kailangan muna magkaroon ng malinaw na plano ang Pamunaan ng Fiesta sa gaganaping Fluvial Parade at Concert bago magbigay ng certificate ang ating Punong Bayan. Wala pa pong iniisyung certificate sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin pong malinaw na Safety Plan para sa gaganaping Fluvial Parade at Concert.
Hindi po nagkulang ang Pamahalaang Bayan ng Angat sa pagbibigay ng kaukulang gabay sa mga organisador ng aktibidad. Matapos silang bigyan ng pointers ay tungkulin na ng mga organisador na buuin at ilatag ang kanilang naibalangkas na plano.
Wala pong katotohanan ang ipinapakalat na mga balita na tinututulan ng Punong Bayan ang paglulunsad ng aktibidad. Sa katunayan ay pirmado din niya ang liham sa Pamahalaang Panlalawigan upang hingin ang tulong ng PDRRMO para sa concert at fluvial parade.
Ang pagbibigay ng Certificate of No Objection ay may mga rekisitos na kailangang tugunan gaya ng Safety Plan dahil ang pagbibigay nito ay katumbas ng pananagutan sa kaligtasan ng mga mamamayang makikilahok sa mga aktibidad. Bahagi po ito ng pagtitiyak ng seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan at ng komunidad na paglulunsaran ng aktibidad kaya naman kailangang makita ang malinaw na latag ng plano para dito. Kaya naman kung hindi matutugunan ang batayang rekisitos na ito, walang malinaw na pagbabatayan para sa pagbibigay ng Certificate of No Objection.
Tila nakalimutan na ng mga organisador ang Trahedya sa Pagoda ng Wawa (Bocaue Pagoda Tragedy) na naganap noong Hulyo 2, 1993 kung saan may lulan ang pagoda na mahigit 200 katao. Hindi po nanaisin ng Pamahalaang Bayan na magkaroon ng katulad na trahedya sa bayan ng Angat kaya naman mahigpit po ang paninindigan ng Pamahalaang Bayan na kailangan muna ng malinaw na latag ng Planong Pangkaligtasan bago ibigay ang Certificate of No Objection dahil buhay ng mga tao ang nakataya dito.

Bình luận