BACK TO BACK SERVICE MISSION
Magkapanabayang isinakatuparan ang Gamutan sa Barangay sa Sta. Lucia na pinangunahan ng Pamahalaang Bayan ng Angat at Damayan Sa Barangay (DSB) na pinangunahan naman ng Pamahalaang Panlalawigan.
Mahigit 100 pasyente ang nagkaroon ng pagkakataong makapagpatingin ng kanilang karamdamang medikal, dental at/o optikal na pinangasiwaan ng Angat Municipal Health Office. Malugod na sinuportahan at sinubaybayan ito ng ating Mayor Reynante Bautista kasama si Vice Mayor Arvin Agustin at ilan sa mga konsehal. Sinamantala ito ng ating mga halal na opisyal upang kumustahin o alamin ang kalagayan ng ating mga kababayan sa Sta. Lucia.
Samantala, dinaluhan din nila ang nakatakdang DSB na inilunsad naman ng Pamahalaang Panlalawigan sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Barangay ng Niugan. Maraming salamat sa mga tagapagsulong ng programang DSB na sina Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro.
Personal nilang dinaluhan ang misyon at isinabay ang kanilang People’s Day. Kabilang sa mga naibahaging tulong maliban sa medikal, dental ay ang libreng gupit, masahe, pagbabakuna sa mga hayop at marami pang iba. Tinatayang nasa humigit-kumulang 300 mamamayan ng Niugan at iba pang barangay sa Angat ang naging benepisyaryo ng programa.
Hangad natin na magtuloy-tuloy ang magkatuwang na pagbibigay-serbisyo ng Pamahalaang Bayan at Lalawigan upang mapaglingkuran ang mga karamihan sa mga higit na nangangailangang mamamayan.
Comments