
Isang gabi ng pagkilala at inspirasyon ang naganap sa Gabi ng Parangal 2025: Dalubhasa ng Bayan – Dangal at Pag-asa ng Pamayanan, kung saan pinarangalan ang kahusayan ng mga kabataang Angateño na matagumpay na nakapasa sa kanilang board exams noong 2024.
Pinangunahan ng Local Youth Development Office (LYDO) sa pamumuno ni Keanne Cyrene Mangcucang at ng Sangguniang Kabataan Federation sa pangunguna ni SK President Mary Grace Evangelista, ginanap ang parangal na dinaluhan ng mga opisyal ng bayan kabilang sina Punong Bayan Reynante S. Bautista, Pangalawang Punong Bayan Arvin Agustin, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan. Kasama rin sa pagdiriwang ang mga punong-guro sa pangunguna ni Dr. Guillermo J. Flores.
Ayon kay Engr. Monica Mae Punzal, Top 7 sa Licensure Exam for Aeronautical Engineers, ang tagumpay ay hindi lamang tungkol sa pagkamit ng diploma kundi sa patuloy na pagkatuto at pagiging instrumento ng kaunlaran para sa bayan.
“Hindi natin mararating ang tagumpay na ito nang mag-isa. Sa bawat hakbang natin, may mga taong hindi napapagod sumuporta at maniwala sa atin,” ani Punzal sa kanyang inspirasyonal na talumpati.
Ang programa ay isang patunay na ang bayan ng Angat ay patuloy na sumusuporta sa edukasyon at tagumpay ng mga kabataang Angateño, na siyang magiging haligi ng mas maliwanag na kinabukasan.
Comments