top of page
bg tab.png
Writer's pictureAngat, Bulacan

GulayAngat Festival 2022, sumikad na!


“Sisimulan natin sa araw na ito na gawing opisyal ang pagkilalang ito sa ating bayan. Lampas pa sa isang selebrasyon, layunin ng GulayAngat Festival na ipakilala ang angking kagandahan ng ating bayan at ang potensyal nito para sa pagyabong ng turismo kaakibat ang pangkalahatang pag-unlad ng mga mamamayang nananahan dito…”


Ito ang pambungad na pananalita ni Angat Mayor Reynante “Jowar” Bautista sa pormal na pagbubukas ng pagdiriwang ng ika-339 Taong Pagkakatatag ng Bayan ng Angat.


Nagsilbing hudyat ng pagbubukas ang MOTORCADE/CARAVAN na dinaluhan ng mga delegasyon mula sa labing-anim (16) na barangay na kinabibilangan ng mga kinatawan ng Sangguniang Barangay, mga kalahok sa Laro ng Laking GulayAngat, Hapag ng Pamana at ang mga pambato sa Lakan at Lakambini ng iba’t ibang barangay.


“Ang mga magaganap sa araw na ito ay magsisilbing unang hakbang pasulong upang maabot natin ang matagal nang pinapangarap para sa ating bayan. Inaasahan ko po na magiging matiwasay at matagumpay ang resulta ng mga aktibidad na nakapaloob sa pagdiriwang na ito. Upang makamit ito, kailangan po natin ng kooperasyon, pagdadamayan at pagkakaisa ng lahat… Ang mga kumpetisyong nakapaloob sa pagdiriwang ay inilunsad natin upang himukin ang mga mamamayan sa bawat barangay na magkaroon ng pagkakaisa, anuman ang kasarian, paniniwala, katayuan sa buhay o paninidigan. Hindi po nilalayon ng kumpetisyon na magkawatak-watak ang ating bayan. Nais lamang nitong hasain ang angking potensyal ng mga mamamayan at mabuklod ang lahat ng mga barangay sa ngalan ng pagmamahal natin sa ating bayan,” dagdag pa ni Mayor Jowar.


Ngayong unang araw ay nakatakdang isakatuparan ang LARO NG LAKING GULAYANGAT na kinabibilangan ng iba’t ibang tradisyunal na palaro gaya ng Agawang Biik, Patintero, Palo Sebo, Karera ng Sako, Hilahang Lubid at Sepak Takraw. Labindalawang barangay ang magtatagisan ng galing sa mga larong ito.


Kasabay nito ay isasagawa na rin ang Hapag ng Pamana (Cooking Contest) na lalahukan naman ng mga kinatawan mula sa labing-anim na barangay.


Inaasahan na magiging matagumpay ang resulta ng unang araw ng pagdiriwang.


64 views0 comments

댓글


Angat_Logo.png
AsensoAtReporma (1).png

Republika ng Pilipinas

Pamahalaang Bayan ng Angat

Transparency_seal-01.png
FOI-logo.png

Scan the QR Code to install the app

qr code.JPG
bottom of page