Matagumpay na naidaos ang pagdiriwang ng Ika-339 Taong Pagkakatatag ng Bayan ng Angat at panimulang paglulunsad ng GulayAngat (Gunita ng Lahi at Yamang Angat) Festival ngayong ika-24 ng Oktubre.
Sinimulan ang paglalagom na pagdiriwang sa Indakan sa GulayAngat kung saan labing-isang (11) barangay ang nagtagisan ng galing sa streetdancing. Sa nabanggit na kumpetisyon ay nasungkit ng Barangay Paltok ang Unang Gantimpala at Best in Costume Award. Samantala, nakamit naman ng Binagbag ang Ikalawang Pwesto at ng Barangay Sulucan ang Ikatlo.
“Sa matagal na panahon, hindi nabigyan ng kaukulang pagpapahalaga ang pagsilang ng ating dakilang bayan. Mapagpasya ang hakbanging ito sapagkat layunin nating itampok na sa lalawigan ng Bulacan ang naging papel ng bayan ng Angat sa kasaysayan ng lahing Bulakenyo… sa kasaysayan ng lahing Pilipino. Sisimulan nating iguhit muli sa karugtong ng kasaysayan… ang isang bagong Angat na may pagpapahalaga sa kultura, tradisyon at likas na yamang taglay ng ating bayan. Isang bagong Angat na makatotohanan sa kahulugan ng kanyang pangalan—ANGAT: nasa itaas at tinitingala!” panimulang pananalita ni Angat Mayor Reynante Bautista.
Upang bigyang buhay at kasiyahan ang pagdiriwang ay inilunsad ang mga sumusunod na patimpalak: Laro ng Laking GulayAngat; Himig ng GulayAngat; Hapag ng Pamana (GulayAngat Cooking Contest) at Indakan sa GulayAngat.
Nagsilbing Panauhing Pandangal sa mahalagang okasyon ang Kinatawan ng Ikaanim na Distrito ng Bulacan, Igg. Salvador Pleyto. Dumating din ang Kinatawan ni Gov. Daniel Fernando na si G. James Santos at dating Punong Bayan ng Angat Mayor Lito Vergel De Dios.
Sa itaas ay masasaksihan ang highlights ng ginanap na GulayAngat Festival 2022.
Комментарии