top of page
bg tab.png
Writer's pictureAngat, Bulacan

HAMON SA MGA KAPWA KO LINGKOD-BAYAN SA DIWA NG NALALAPIT NA KAPASKUHAN


(Speech during Christmas Tree Lighting Ceremony on November 25, 2022)

Bago ang lahat, malugod kong binabati ang lahat ng mga naririto ngayon:


Ang mga kapwa ko opisyal sa Pamahalaang Bayan ng Angat; Mga kawani ng ating Munisipyo; Ang ating mga bisita na nagbahagi ng kanilang angking talento upang mabigyang-buhay ang okasyong ito (San Roque Band 96, ang mga masisipag na kasangga sa Angat Kalusugan at siyempre ang aking mga anak mula sa Jowable Youth at iba pang kabataan na nakibahagi sa pampasiglang bilang).


Ako’y nagagalak na maganda at masaya ang ating pagsalubong sa nalalapit na Pasko at pagtatapos ng taong 2022. Sinikap po natin na isakatuparan ang Christmas Tree Lighting Ceremony na ito hindi po para magpasikat o magpakitang-gilas. Ang pangunahing layunin po natin ay maisagawa ang simbolikong pagbibigay-liwanag at pag-asa sa ating bayan at sa ating mga kapwa Angatenyo na dumaranas ng kagipitan at mga pagsubok sa buhay. Naniniwala po ako, may tatanawin pa rin po tayong liwanag… May natitira pa pong pag-asa.

Noong isang gabi po habang pinapanood ko ang pagkakabit ng mga dekorasyong ito dito sa harap ng munisipyo, may mga nadinig ako mula sa mga dumadaan na , “Uy maliwanag na!”


Kitang kita ang pagkamangha sa kanilang mga mukha. Ito po ang pinakapayak na halimbawa ng pagbabago na nais nating gawin. Ang bigyang liwanag ang madidilim na lansangan, ayusin at pagandahin ang paligid at komunidad. Maliit na bagay lamang po ito kung tutuusin subalit kahit ganoon kasimple, nagdudulot ito ng galak at lugod sa puso ng nakakakita.


Sa nalalapit na pagtatapos ng 2022, hindi po ako nangangako subalit sisikapin ko po na sa abot ng ating makakaya ay mas higitan pa ang ating mga pagbabago at mahuhusay na hakbanging nagawa mula nang tayo ay magsama-samang mamuno sa ating Pamahalaang Bayan nitong Hulyo.


At gaya ng simbolo ng pag-asa na ibinibigay ng Pasko at Bagong Taon, hinihikayat ko po ang lahat ng mga halal na opisyal at empleyado sa ating Munisipyo na bigyang katuparan natin ang serbisyo publiko na narararapat lamang na makamit ng mga kapwa natin Angatenyo. Sa ganitong paraan lamang po natin mapapatotohanan ang ating papel sa ating bayan bilang TANGLAW SA PAG-ANGAT!


Iniiwan ko po sa inyong lahat ang hamong ito at muli, magandang gabi sa ating lahat!

Sa puntong ito, sisindihan na po natin ang simbolo ng Tanglaw sa Pag-Angat na siyang magpapaalala sa atin ng ating obligasyon at pananagutan sa bayan nating minamahal!

18 views0 comments

Comments


Angat_Logo.png
AsensoAtReporma (1).png

Republika ng Pilipinas

Pamahalaang Bayan ng Angat

Transparency_seal-01.png
FOI-logo.png

Scan the QR Code to install the app

qr code.JPG
bottom of page