Pagbalanse sa Kaunlaran at Pangangalaga sa Kalikasan
ASENSO AT REPORMA
Ang mga salitang ito ang kumatawan sa adbokasiya ng kasalukuyang ama ng Bayan ng Angat, Mayor Reynante “Jowar” S. Bautista, noong panahong naghahain pa lamang siya ng kanyang mga plataporma.
Simula pa lamang ng kaniyang termino ay agad na pinatunayan ni Mayor Jowar na hindi lamang campaign tagline ang mga salitang ito, kundi naglalaman ng malilinaw at detalyadong mga programa para sa pagbibigay ng mas magandang bukas para sa bawat Angatenyo.
Isa sa mga pangunahing hinarap ng punong bayan ang mga isyung may kinalaman sa kalikasan at kaunlaran ng ating bayan.
ANG ATING PANIMULANG LABAN PARA SA REGULASYON NG QUARRY
Hulyo 1, 2022, unang araw ng panunungkulan ng mga bagong halal na opisyal, ay nagpadala ng liham si Mayor Jowar kay Gob. Daniel R. Fernando upang ipatigil pansamantala ang quarry operations sa Bayan ng Angat. Ito ay upang mabigyan siya ng panahon upang makita ang lawak ng operasyon ng quarry, at imbestigahan at pag-aralan ang kasalukuyang kalagayan nito upang tugunan ang hinaing ng mamamayan kaugnay ng labis-labis na aktibidad na nagdudulot ng pagbaha sa Angat.
Hiniling din niya na mabigyan ng kopya ng listahan ng mga may permit na quarry operators, ang pinapahintulutang dami ng quarry materials na maaari nilang kuhanin, at ang aktwal na dami ng materyal na kanilang kinuha sa panahon ng kanilang operasyon.
Sa liham-tugon na ipinadala ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) kay Mayor Jowar na may petsang Hulyo 1, 2022, nakasaad na hindi maaaring ipatigil ang quarrying operations dahil may karapatan sa due process ang mga nagku-quarry.
Sa naging sagot ni Mayor Jowar sa BENRO noong Hulyo 5, 2022, ipinahayag niya na kaisa siya sa pagtataguyod ng mga karapatan na nakasaad sa ating konstitusyon. Gayunpaman, batay sa pagsusuri sa datos na ipinadala ng BENRO ay lumalabas na 17 sa 20 special permits ay expired na, habang expired na rin ang 2 sa 7 regular permits.
Dahil dito, hiniling ni Mayor Jowar na tiyakin ng BENRO na hindi na papayagang mag-operate ang mga may hawak ng expired permits, magbuo ng Joint Fact-Finding Team ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at Pamahalaang Bayan ng Angat para imbestigahan ang illegal quarrying, at tiyakin na kumuha ang mga quarry operator ng Certificate of No Objection Clearance sa munisipyo bago bigyan ng special at regular permit. Positibo ang naging tugon ng BENRO sa mga kahilingan ni Mayor Jowar at nagpasalamat sa kaniyang pagmamahal sa kalikasan.
Makaraan ang ilang linggo, naglabas ng Executive Order No. 21 S. 2022 ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na pansamantalang nagpapatigil sa lahat ng mining, quarrying, dredging, desilting, at lahat ng uri ng mineral extraction sa lalawigan.
Nagpadadala ng liham ang BENRO upang hilingin ang suporta at tulong ni Mayor Jowar sa pagpapatupad nito.
Sa isang banda, masasabing naging tagumpay ang panimulang pagsisikap na itulak ang Panlalawigang ahensya na nagbibigay ng permiso sa quarry upang ayusin ang sistema sa regulasyon kaugnay nito.
REPORMA AT REGULASYON SA QUARRY
Mataas na Koleksyon
Sa kabila ng kasalukuyang regulasyon at reporma na ipinapatupad ni Mayor Jowar (kung saan nilimitahan ang bilang at saklaw ng quarry operations sa Angat) ay higit na lumaki kita ng ating bayan mula rito.
Mula Enero hanggang Hunyo noong nakaraang taon, P 3,969,500 lamang ang koleksyon para sa gravel fee. Samantala, sa unang buwan pa lamang ng termino ni Mayor Jowar (Hulyo, 2022) ay umabot sa 1,701,800 ang kabuuang kita ng Pamahalaang Bayan mula sa quarrying. Kahit sa mga panahong ipinatupad ang pansamantalang suspensyon sa lahat ng mineral extraction sa ating lalawigan, nanatiling mataas ang pumapasok na pera sa kaban ng ating bayan mula sa mga quarry operators. Higit na lumaki ito noong Disyembre, kung saan nakakolekta ang Pamahalaang Bayan ng mahigit dalawang milyon para sa gravel fee.
Sa unang anim na buwan pa lamang ng termino ni Mayor Jowar, nakapagpasok ito ng halos 7.5 milyong piso sa pondo ng ating bayan mula sa mga repormang isinagawa nito sa quarrying operations. Katumbas ito ng 187.5% paglago mula sa koleksyon noong unang semestre ng 2022.
Ang paglagong ito ay sa kabila ng kalagayan na wala pang sampung quarry operators ang binigyan ng pahintulot ng ating Punong Bayan na makapaghukay.
Paano nangyari ito? Dahil nanindigan ang ating Punong Bayan na walang korupsyong magaganap sa ilalim ng implementasyon ng quarrying at tiniyak niya na ang nalilikom na pondo mula sa quarry ay papasok sa kaban ng bayan at pakinabangan ng mga mamamayan.
Masasalamin ito sa kasalukuyang mga proyektong ipinatutupad ng ating Pamahalaang Bayan na tunay na magsisilbi sa interes at pangangailangan ng mga Angateyo.
TUNGO SA MAS MAUNLAD NA ANGAT
Pinapatunayan ng karanasan ng Bayan ng Angat na sa pamamagitan ng maayos na programa ay maaaring balansehin ang kaunlaran at pangangalaga sa kalikasan.
Mahalaga ang mga industriya at negosyo sa bawat bayan dahil ito ang pangunahing pinagkukuhanan ng pondo na ginagamit sa bawat programa ng lokal na pamahalaan, tulad na lamang ng imprastraktura, kalusugan, edukasyon, at pangangalaga sa kapayapaan. Kailangan din ng maayos at matapat na sistema ng pangongolekta ng buwis at iba pang bayarin upang matiyak na lalong mapapalaki ang pondo ng ating pamahalaang bayan.
Dahil may epekto rin sa ating kalikasan ang mga aktibidad na bahagi ng ating pagpapaunlad sa Angat, mahalaga rin ang mga programa para sa rehabilitasyon ng ating kapaligiran.
Umaasa rin tayo na darating ang panahon na hindi na kakailanganin pa ang quarry bilang pinagkukunan ng pondo para sa bayan—isang panahon na masasabi nating tunay na maunlad na ang Bayan ng Angat.
コメント