Isa sa mga Kapistahang hindi ko makakaligtaan ay ang Kapistahan ng Pagbabalik-Loob ni San Pablo Apostol o Kapistahan ng Barangay Niugan na ipinagdiriwang kasabay ng aking kaarawan.
Ang pagbabalik-loob ni San Pablo ay hindi pagbabagong buhay mula sa pagiging masama tungo sa pagiging mabuti. Ang ibig sabihin nito ay ang pagpapanibago ng kaisipan mula sa inaakala niyang katotohanan, patungo sa katotohanang ipinahayag ni Kristo.
Si San Pablo, bilang isang matapat na Hudyo sa kanyang kapanahunan ay nagsabuhay at tumupad sa mga batas ng Hudyo kaya ninais niyang dakpin ang mga naniniwala noon kay Hesus sap ag-aakalang sila ay naliligaw ng landas. Subalit nang magpakita sa kanya si Hesus sa daan patungong Damascus, namulat siya sa katotohanan at niyakap ang pananampalataya kay Hesus na muling nabuhay. Buong tatag at katapatan niyang pinanindigan at ipinahayag ang mabuting balita ni Hesus. Ito ang esensya ng kanyang pagbabalik-loob.
Mga kapwa ko Angatenyo, ipagdiwang natin ngayong araw na ito at isabuhay sa lahat ng pagkakataon ang diwa ng buhay ni San Pablo Apostol. Isabuhay ang paninindigan para sa matuwid, makatotohan at mabuting gawa ayon sa kalooban ni Hesus. Walang masama sa pagbabago kung ito ay nakaayon sa kalooban ng Panginoon.
Comments