EXCERPT MULA SA SOLIDARITY MESSAGE NI
MAYOR Reynante "Jowar" S. Bautista
"...Dumating na nga po ang araw ng panunumpa sa tungkulin ng mga pinuno sa ating barangay na pinili at pinagkatiwalaan ng mga Angatenyo na mamahala sa kanilang pamayanan. Ang okasyong ito ay hindi lamang isang seremonya kundi isang pagpapatibay ng paninidigan upang maglingkod nang totoo ang bawat isang lider na naririto ngayon sa kanilang barangay.
As the closest government to the people, malaki ang ambag ng mga barangay sa makabuluhang pagbabago sa komunidad, lalo na sa pagpapanatili ng kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan. Sa pagkakamit ng ating hangarin para sa isang matatag, maginhawa at panatag na pamumuhay, malaki ang impluwensya o papel ng barangay sa pagsasakatuparan nito. Kaya naman napakahalaga na sa hanay ng mga halal na pinuno ay malinaw nilang nauunawaan ang papel ng bawat isa… ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad bilang bahagi ng Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan.
Ang aking hamon sa bawat pinunong naririto ngayon, sikapin po nating mapanatiling payapa, ligtas sa kriminalidad, sa ipinagbabawal na gamot at higit sa lahat ligtas sa anumang tipo ng korupsyon ang bawat barangay natin.
Buo ang paniniwala ko na “Leaders instill in their people a hope for success and belief in themselves. Positive leaders empower people to accomplish their goals.” Ang pangunahing papel nating mga lingkod bayan ay pataasin ang kapasidad ng mga bulnerableng mamamayan upang magkaroon ng kakayahang patatatagin ang kanilang pamumuhay. Hindi tayo dapat maging pabigat sa kanila. Bagamat tayo ay may otoridad sa ating mga barangay, huwag nating iwasiwas ang kapangyarihan sa mga mamamayan.
Sabi nga ng pamosong kasabihan, “Ang respeto ay inaani, hindi binibili." Ang pagkilala sa atin bilang pinuno ng barangay ay itatakda kung paano natin ito pinaninindigan. Huwag natin hayaang mabuhay sa takot at pangamba ang ating mga nasasakupan. Bagkus, itaguyod natin ang isang malusog, mapayapa at maunlad na komunidad kung saan ang mga pinuno at bawat mamamaya ay maayos at maluwag ang ugnayan, nagdadamayan, nagkakaisa.
Tandaan natin na ang pagkakaroon ng posisyon sa ating pamahalaan ay hindi isang premyo sa isang patimpalak. Nangangahulugan ito ng sakripisyo at ang katumbas nito ay mabigat na responsibilidad upang bigyan natin ng tuon kung paano mapamumunuan ang pagpapaunlad ng ating nasasakupan. Hangad ko na ang mga bagong halal na pinuno ng bawat barangay ay maging ehemplo ng mahusay, tapat at mabuting pamumuno at maging kaisa ng inyong lingkod sa pagsusulong sa ganap na pagasenso ng mimamahal nating bayan ng Angat!
Maraming salamat at Congratulations sa inyong lahat!"
Comments