Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Jowar Bautista, inilunsad ang mga makabagong programang Gamutan sa Barangay (2022) at Munisipyo sa Barangay (2024) na layong magbigay ng mas malapit at mas accessible na serbisyo sa kalusugan at iba pang pangangailangan sa bawat komunidad.
Ang Gamutan sa Barangay na unang inilunsad noong 2022, ay nagbigay ng libreng konsultasyon at mga medikal na serbisyo sa mga residente ng bawat barangay, lalo na sa mga malalayong lugar. Sa pamamagitan ng programang ito, ang mga health workers ay dumadayo sa mga barangay upang magsagawa ng mga medical missions, libreng check-ups, at pagbibigay ng mga gamot, kaya’t mas napadali ang akses sa pangangalaga sa kalusugan ng mga Angatenyo.
Sumunod sa tagumpay ng Gamutan sa Barangay, inilunsad naman ang Munisipyo sa Barangay noong 2024, isang hakbang upang mas mapalapit ang mga serbisyo ng pamahalaang lokal sa bawat barangay. Layunin nitong maghatid ng mga serbisyong pang-administratibo, pati na rin ang mga programa at proyekto ng munisipyo, nang hindi na kinakailangang pumunta sa munisipyo mismo. Kasama sa mga serbisyong ito ang pag-aasikaso ng mga dokumento, mga konsultasyon ukol sa mga programa ng gobyerno, at iba pang serbisyong pangkomunidad.
Ang mga programang ito ay patuloy na nagpapatibay ng kahalagahan ng pamahalaang lokal na maghatid ng serbisyo nang direkta sa mga tao at tiyakin ang bawat isa sa bayan ng Angat na may agarang akses sa mga pangangailangan.
Patuloy nating palalawakin ang mga serbisyong ito upang mas maging magaan at mabilis ang pag-abot ng mga serbisyong pampamahalaan sa bawat Angatenyo.
Comments