Ang GulayAngat Festival ay inilunsad bilang simbolo ng pagpapahalaga sa ugnayan ng kultura at agrikultura na isa sa pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan sa Angat.
Sinasalamin din ng festival ang angking potensyal ng bayan sa larangan ng ekoturismo.
Ang taunang pagdiriwang na ito ay naglalayong bigyang-pugay ang mga magsasaka at iba pang kabahagi ng sektor ng agrikultura na nag-aambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bayan, habang hinihikayat ang mas maraming tao na suportahan ang lokal na agrikultura.
Sa GulayAngat Festival, tampok ang mga makukulay na parada, pageant, eksibit ng mga talento kagaya ng street dancing, cooking contests, mga katutubong laro at iba’t ibang aktibidad na nagpapakita ng galing, kasipagan, at kultura ng mga Angatenyo. Isa rin itong plataporma para maipakita ang mga produktong agrikultural na maaring maging daan upang higit na makilala ang bayan sa merkado ng turismo at negosyo.
Ang festival ay hindi lamang pagdiriwang kundi isa ring hakbang patungo sa paglikha ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan at pagpapalakas ng koneksyon ng agrikultura sa turismo. Sa pamamagitan ng GulayAngat Festival, patuloy na ipinapakita ng bayan ng Angat ang pagkakaisa at progreso tungo sa isang mas maunlad at luntiang kinabukasan.
Comments