Nagningning ang selebrasyon sa pangatlong taon ng Christmas Tree Lighting Ceremony, pinangunahan ni Mayor Reynante “Jowar” Bautista. Sa kanyang talumpati, ipinahayag niya ang kanyang galak sa patuloy na pagdiriwang ng tradisyong ito, na aniya’y sumasalamin sa diwa ng kapaskuhan—pag-ibig, pagbibigayan, at pagkakaisa.
“Ang Christmas Tree ay isa sa mga simbolo ng kapaskuhan, at ang okasyon ng kapaskuhan ay isa sa pinaka masaya at inaabangan ng bawat Pilipino. Ang diwa po ng kapaskuhan ay ang pagbibigayan, pagmamahalan, at pagkakaisa na dapat po nating isinasa-buhay at isinasa-puso bilang Pilipino at bilang Angatenyo,” saad ni Mayor Bautista.
Kasama ng Punong Bayan sa programa ang Pangalawang Punong Bayan na si Arvin Agustin at ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan. Ang selebrasyon ay itinampok din ang awarding ng Parol Making Contest, na nagbigay-diin sa malikhaing talento ng mga mamamayan ng Angat.
Pinatingkad pa ang gabi sa kahusayan ng Sta. Monica Parish Chamber Singers, na nagbigay ng masining na pag-awit. Lubos ding pinasalamatan ang bawat kawani ng pamahalaang bayan at ang mga kalahok sa patimpalak.
Comments