INAUGURAL SPEECH Mayor Reynante S. Bautista
SA ATING mga butihing panauhin ngayong umaga, una na sa ating kagalang-galang na bagong Kinatawan ng Ikaanim na Distrito ng Bulacan Igg. Salvador “Ka Ador” Pleyto, Sangguniang Bayan Members, mga Punong Barangay and Councils, sa lahat ng appointive at elective officials, mga kawani ng ating pamahalaang bayan, ang aking mga anak mula sa JOWABLE Youth at mga kasangga sa Angat Kalusugan Association, Civil Society Organizations, Non-Government Organizations, Religious Organizations, mga minamahal kong guro at punong guro, sa ating mga bisita na nagpaunlak ng ating imbitasyon lalung lalo na sa dating Punong Bayan ng Angat Mayor Angelito Vergel De Dios, sa lahat po ng naririto… isang napakagandang araw po sa ating lahat!
Ngayong araw po na ito ay sisimulan na nating buuin ang maningning na kinabukasan ng minamahal nating bayan ng Angat!
Noong kami po ay ideklara matapos ang halalan noong Mayo 9, nagsasalimbayan na sa isip at puso ko ang sari saring emosyon. Masaya po ako dahil masisimulan ko nang gawin ang matagal ko nang pinapangarap para sa ating mahal na bayan. Nariyan din po ang aking pag-aalala dahil baka magkaroon ng maraming balakid upang maisakatuparan ko ang mga balak na ito. Pero kumpyansa po ako na sa pagtutulungan at pagkakaisa ng Executive at Legislative Department ng ating Pamahalaang Bayan, magkaroon man ng mga hadlang o suliranin, unti unti ay mabibigyang kaganapan natin ang inaasam na ASENSO at REPORMA. At higit po itong magiging madali kung nariyan ang suporta ninyong mga naririto ngayon at ng sang-Angatenyo na alam kong matagal nang uhaw sa pagkakamit ng tunay na pag-unlad. Yung pag-unlad na walang naiiwan, pag-unlad na walang niyuyurakan.
Hindi po naging madali ang pag-abot ko sa sa puntong ito na ako ay nagsasalita sa inyong harapan bilang piniling BAGONG AMA NG BAYAN NG ANGAT. Kaya naman po nais kong ipaabot sa lahat ng mga nagbigay ng suporta sa akin ang taos pusong pasasalamat sa inyong ibinigay na tulong at tiwala. Ang maisusukli ko lamang po sa inyo ay ang tuparin ang aking mga plataporma at maging huwaran ng tapat, mahusay at makataong paglilingkod sa ating bayan.
Ano nga ba ang inyong aasahan sa aking pamumuno?
Kung matatandaan ninyo, inilatag namin ang sampung puntong programa na nakapaloob sa ANG BISYON 2022 (Angat Vision 2022) na sinusuma ng slogan na “JoWAR against Poverty, Criminality and Corruption & cARVINg a Better Future for Angatenyos”. Magkatuwang po naming pinangunahan ni VM Arvin Agustin ang pagbubuo ng konseptong ito kaya naman ako po ay nalulugod na sa puntong ito ay magkasangga namin itong ipapatupad. Kaya naman batay dito, inihanay po namin ang mga prayoridad na proyekto at programang pagtutulungan po naming isakatuparan:
1. RESTRUCTURING AT REORGANIZATION NG PAMAHALAANG BAYAN.
Sisimulan po natin sa ating Munisipyo ang unti unting pagpapatupad ng mga REPORMA dahil dito po pangunahing magsisimula ang daloy ng serbisyo patungo sa mga mamayan. Ipapaunawa po nating mabuti sa ating mga empleyado sa ating Pamahalaang Bayan na tayo po ay tagapaglingkod ng ating mga kababayan.
Sasamantalahin ko na din po ang pagkakataong ito na banggitin ito sa mga minamahal nating empleyado. Alam ko po kung nakanino ang inyong LOYALTY. Nauunawaan ko naman po ito dahil marahil, ganito po nahubog sa matagal na panahon ang mga kawani ng ating Munisipyo. Hindi naman po sa bayan ng Angat lamang nangyayari ang ganito na nasa nakaupong Mayor ang loyalty ng mga empleyado. Sa akin pong administrasyon, hindi ko po hinihingi ang loyalty ninyo sa akin. Hinihiling ko po na ibigay po natin ang ating KATAPATAN at DEDIKASYON sa mga mamamayang Angatenyo at sa ating bayan. Sila po ang ating piniling paglingkuran kaya dapat lamang na ang ating mga ginagawa ay laging nakabalangkas sa kung paano natin sila maayos at epektibong paglilingkuran. Sa ganitong paraan ko po nais na hubugin ang ating Pamahalaang Bayan.
At upang ma-motivate po ang ating mga kawani na maging maayos at may saya sa paglilingkod, pinaplano ko po na magbigay ng parangal at incentive sa mga mahuhusay na empleyado ng ating pamahalaang bayan. Sa tingin ko po awards and incentives for our government employees will encourage our workforce in the municipal government to perform better.
Hindi lamang po sa ating Pamahalaang Bayan, nais ko rin pong patagusin ang ganitong moda at praktika ng paglilingkod hanggang sa ating mga Sangguniang Barangay. Dahil naniniwala po ako na lahat tayo ay kusang-loob na pumasok sa larangan ng paglilingkod sa pamahalaan kaya naman dapat ay nakaayon ang ating mga programa, serbisyo at maging ang mga karakter o ugali sa mahusay at mabuting paglilingkod. Tandaan po natin lagi na hindi tayo ang BOSS. Ang BOSS natin ay ang mga mamamayan!
2. IMPLEMENTASYON NG SOLID WASTE MANAGEMENT SA BAWAT BARANGAY
Kasabay ng gagawin nating paglilinis at pagsasaayos ng ating Pamahalaang Bayan, nais ko pong simulan na rin ang PAGLILINIS sa lahat ng sulok ng ating mga komunidad. Matagal na panahon na po dapat na naipatupad ang institutionalization ng SOLID WASTE MANAGEMENT sa ating bayan dahil naisabatas at sinimulan na ang pagpapatupad nito sa ating bansa sa maagang bahagi pa lamang ng dekada 2000. Nakakalungkot na hanggang sa kasalukuyan ay hindi maayos na napapangasiwaan ang basura sa ating bayan at nananatili pa rin itong isa sa pangunahing suliranin natin. Kaya naman isa po ito sa mahigpit na tututukan ng aking administrasyon.
3. PAGTATAYO NG COMMUNITY HOSPITAL at PAGTITIYAK NG ACCESS NG MAMAMAYAN SA ANGKOP NA SERBISYONG PANGKALUSUGAN
Hindi po lingid sa kaalaman ng lahat na ang prayoridad ko pong programa ay ang SERBISYONG PANGKALUSUGAN. Kaya nga po noong 2020, bago pa man po nagkaroon ng pandemya, pormal na pong sinimulang itaguyod ng inyong lingkod ang programang ANGAT KALUSUGAN. Dahil naniniwala po ako na ang malusog na mamamayan ay repleksyon ng maunlad na bayan. Kaya naman sa pamamagitan po ng aking personal na kapasidad ay nag-abot po tayo ng iba’t ibang serbisyong medikal sa ating mga kababayan. Mula sa paghahatid ng maintenance medicines sa mga kababayan natin na kadalasan ay kulang kundi man walang kakayahang bumili ng kinakailangang gamot hanggang sa paglulunsad ng mga medical missions, referral system sa mga partner na ospital, laboratory at lingkod bayan at paglulunsad ng programang MOBILE BOTIKA.
Sa akin pong administrasyon, nais ko pong palawakin pa ang serbisyong hatid ng ANGAT KALUSUGAN upang higit na maraming mamamayan ang makinabang at maihatid natin ang angkop na serbisyong pangkalusugan sa ating mga kababayan.
Kaugnay rin po nito, ang matagal na inaasam po natin na magkaroon ng sariling ospital ang ating bayan ay bibigyang-hugis na rin po natin. Nakakalungkot na ang hospital structure na ipinatayo sa pamamagitan ng ating Pamahalaang Panlalawigan ay imposible po sa panahon na ito na gawing operational dahil sa mga kakulangan pa sa mga rekisitos. Higit na matatagalan po ang pagtupad ng pangarap nating ospital kung ito ang ating aasahan. Kaya naman po ang plano ko ay magpatayo mula sa inisyatiba ng ating Pamahalaang Bayan ng isang Community Hospital na tutugon sa mga batayang medikal na pangangailangan ng ating mga kababayan. Ang pakiusap ko lamang po ay habaan pa natin ang tyaga sa paghihintay pero ang target ko po ay masimulan na ang ospital na ito bago matapos ang aking tatlong taong panunungkulan.
4. REGULASYON SA MGA EXTRACTIVE ENVIRONMENTAL ACTIVITIES
Hindi po tayo bulag, pipi at bingi sa panawagan ng ating mga kababayan tungkol sa suliraning idinudulot ng excessive quarry operations sa ating bayan. Kaya naman isa sa mga unang hakbangin ko ay ang panukalang temporary suspension ng quarry sa bayan ng Angat upang siyasatin at pag-aralan ang aktwal na kalagayan ng mga quarry sites. Maraming mga ulat ng paglabag subalit walang karampatang aksyon ang naisagawa para dito. Sa pamamagitan ng ebalwasyon at siyentipikong pagsisiyasat, sisimulan natin ang tamang regulasyon sa quarry operations sa ating bayan.
5. PAGSASAAYOS NG TRAPIKO
Sa mahabang panahon ay laging problema sa ating bayan ang kaayusan ng trapiko. Naniniwala ako na kapag problemado ang daloy ng trapiko, problemado din ang usad ng ekonomiya ng bayan o ng bansa sa pangkalahatan.
At dahil inaasam natin na umunlad ang ekonomiya ng ating bayan, kasabay nating haharapin ang problema sa trapiko. Nangangailangan ito ng lahatang-panig na solusyon. Mula sa mga pagawaing daan, disiplina para sa mga sasakyan, commuters at iba pang gumagamit ng kalsada, hanggang sa usapin ng information dissemination at proper education sa mga mamamayan. Bubuuin natin sa ating Munisipyo ang Traffic Management Unit na siyang pangunahing mag-aaral, mangangasiwa at magpapatupad ng batas-trapiko sa ating bayan. Aayusin din ng ating Sangguniang Bayan ang Traffic Ordinance na siyang lalamanin ng batas trapiko upang maiangkop ito sa aktwal na kalagayan ng ating bayan.
6. PAGSASAAYOS NG PALENGKE
Maliban sa pagtitiyak ng kalinisan at kaayusan sa loob at labas ng ating pamilihang bayan, hangad ko ring tiyakin na ang mga vendors natin ay kumikita nang patas mula sa pagtitinda dito. Habang tinitiyak din na patas at reasonable ang presyo ng kanilang paninda.
Sa mga susunod na araw ay magpapatawag po tayo ng konsultasyon sa ating mga vendors upang alamin ang kanilang kalagayan at tingnan kung paano aagapay ang Pamahalaang Bayan sa kanilang kabuhayan.
7. PAGBUBUO NG PEOPLE’S COUNCIL NA MAGIGING DALUYAN NG SUPORTANG PANGKABUHAYAN AT PANGKAGALINGAN SA IBA’T IBANG SEKTOR (MARGINALIZED)
Gaya ng aking madalas na itinatalumpati noong panahon ng kampanya, seryoso po ako na buuin ang People’s Council sa loob ng istruktura ng ating Pamahalaang Bayan. Ito ay upang isapraktika ang ating layunin na people’s participation in governance. Sa pamamagitan po nito ay magkakaroon ng tunay na boses ang lahat ng sektor sa ating pamahalaan dahil sila po ang ating kagyat na kokonsultahin sa ating mga programa at serbisyong ibababa sa mga komunidad.
Sa ilalim po nito, prayoridad nating maisakatuparan ang mga sumusunod: a. SUPORTANG PANGKABUHAYAN para sa mga MAGSASAKA at MANGINGISDA
b. SUPORTANG PANGKABUHAYAN SA IBA PANG MAMAMAYAN gaya ng mga VENDORS, DRAYBER at iba pang marginalized sectors
c. PAGLALAAN NG SOCIAL PENSION PARA SA MGA INDIGENT SENIOR CITIZENS NA HINDI KABILANG SA BENEPISYARYO NG SOCIAL PENSION NG NATIONAL GOVERNMENT
Maliban sa mga nabanggit, prayoridad ko rin pong pagtuunan ng pansin ang mga sumusunod:
• PAGLALAGAY NG MGA SOLAR-POWERED STREETLIGHTS AT CCTV PARA SA SEGURIDAD AT KALIGTASAN NG MAMAMAYAN
• PAGTUGON SA HAMON NA MAGING DRUG-CLEAR MUNICIPALITY
• SUPORTA SA KABATAAN AT SA EDUKASYON
Gagawin ko po ito sa pamamagitan ng suportang pasilidad sa mga eskwelahan at kung kakayanin ng pondo ay ang probisyon ng educational assistance sa mga poor but deserving students na nais mag-Kolehiyo.
• PAGPAPAGAWA NG MGA ANGKOP NA PAGAWAING-BAYAN (INFRASTRUCTURE) NA PAKIKINABANGAN NG MAMAMAYAN
Ang lahat po ng mga planong ito ay hindi mangyayari kung hindi iiral ang TRANSPARENCY at ACCOUNTABILITY sa ating Pamahalaang Bayan. Kaya naman ang pinakahuli at pinakamahalaga para sa akin, nais kong ISULONG ANG TUWID, TAPAT AT MAKA-MAMAMAYANG PAMAMAHALA SA PAMAHALAANG BAYAN NG ANGAT.
Ito po ang pinakamahalagang maipagmamalaki ko na aasahan ninyo sa akin. Hinding hindi ko po gagawing hanapbuhay ang aking posisyon bilang Punong Bayan. Kaya naman makaaasa po kayo na magiging transparent po ang aking administrasyon sa lahat ng bagay laluna sa usapin ng paggugol ng pondo ng ating Munisipyo. At asahan po ninyo na ang buwis na ating binabayaran ay isusulit natin para sa kapakinabangan ng ating bayan at ng mga mamamayang Angatenyo.
Ang pagwawagi ko po sa halalan bilang Punong Bayan ay magandang pakinggan bilang isang prestihiyo subalit sa aking pananaw, ito po ay isang SAKRIPISYO dahil mangangailangan po ito ng mahabang panahon at pagsisikap sa ngalan ng pagkakamit ng dakilang mithiin para sa kapakanan ng bayan at ng mamamayang nasasakop nito.
Kaya naman sa puntong ito, nais ko pong pasalamatan ang aking PAMILYA lalung lalo na ang aking maybahay na buong puso ang suporta sa aking pangarap para sa ating bayan. Lumabas po siya mula sa nakalakhang kahon para alamin ang kalagayan ng ating bayan para lang higit na maunawaan ang aking adbokasiya. Inako na rin po niya ang pangarap ko sa ating bayan bilang pangarap din niya. At karamay ko po siya… sila ng aking mga anak sa pagsasakripisyo noon pa man. At alam ko po po na lagi lang silang nariyan upang suportahan at gabayan po ako sa panunungkulan. Kulang ang salitang salamat para sa lahat ng sakripisyo nyo kaya ang ipapangako ko na lang, magiging proud kayo sa Daddy nyo!
Sa huli, nais ko pong ipaunawa sa lahat na ang mga plano pong ito ay mawawalan ng saysay kung walang suporta ng pangkalahatang hanay ng mamamayan. Hindi po biro ang pagpapatupad ng iba’t ibang REPORMA sa ating bayan. Maaaaring may magagalit sa inyo dahil sa mga pagbabagong gagawin natin. Subalit tandaan po natin na kung hindi natin gagawin ang mga REPORMA ay walang mababago at mahihirapan tayong makamit ang pinapangarap na kaunlaran. Kaya naman hinihiling ko po ang pang-unawa at kooperasyon ng mga Angatenyo.
Asahan po ninyo na hinding hindi po natin pupulitikahin ang pagpapatupad ng mga repormang ito. Hinding hindi ko po pupulitikahin ang serbisyo!
Makulay po ang ating adhikain—hindi PULA, hindi ASUL! Dahil ang paglilingkod po ay hindi binibigyan ng tiyak na kulay! Kaya naman ang aking dalawang kamay po ay taos-puso kong iniaabot sa aking mga katunggali upang alukin sila ng PAKIKIPAGKAISA sa ngalan ng TUNAY NA PAGLILINGKOD SA ATING BAYAN!
Maraming salamat po at KASIHAN NAWA NG DAKILANG LUMIKHA ang hakbang hakbang na pagtawid natin tungo sa kaganapan ng ASENSO at REPORMA!
Comments