Bilang bahagi ng pagsuporta sa kabuhayan at pagsulong ng sustainable livelihood, mas pinalawig ang programang mag-aangat ng kabuhayan upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga mamamayan. Isa sa mga tampok na proyekto sa ilalim ng programang ito ay ang paglikha ng handicrafts mula sa water hyacinths—isang malikhaing paraan upang gawing kapaki-pakinabang ang dating itinuturing na sagabal sa mga ilog at lawa.
Sa pamamagitan ng pagsasanay at pagbuo ng mga kooperatiba, natulungan ang mga lokal na manggagawa na matutunan ang paghahabi ng mga eco-friendly na produkto gaya ng bags, banig, at iba pang dekorasyon mula sa water hyacinths. Bukod sa pagbibigay ng alternatibong pagkakakitaan, nakatulong din ang proyektong ito sa pangangalaga ng kapaligiran sa pamamagitan ng paglilinis ng mga katubigan at pagbawas sa dami ng water hyacinths na maaaring magdulot ng pagbabara sa mga daluyan ng tubig.
Pinagtibay rin ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon at ahensya upang mapalakas ang merkado para sa mga produktong likha ng mga Angatenyo. Sa ganitong paraan, hindi lamang nadagdagan ang kabuhayan ng mga residente kundi naipakilala rin ang Angat bilang isang bayan na may mayamang sining at kultura ng likhang-kamay.
Ang pagpapalawig ng Angat Kabuhayan ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na bigyan ng mas maraming oportunidad ang bawat mamamayan upang mapaunlad ang kanilang kabuhayan, habang isinusulong ang likas-kayang paraan ng pangangalaga sa kalikasan.
Comments