
Matagumpay na isinagawa ang Angat Christmas Tree Lighting Ceremony kasabay ng pagbubukas ng Angat Christmas Bazaar
“Tayo nga po ay natitipon ngayong gabing ito para sa maagang pagsalubong sa nalalapit na Kapaskuhan. Sinikap po natin na isakatuparan ang Christmas Tree Lighting Ceremony na ito upang opisyal na sindihan ang simbolikong liwanag at pag-asa sa ating bayan at sa ating mga kapwa Angatenyo na dumaranas ng kagipitan at mga pagsubok sa buhay.
Sa mahigit isang taon po nating paglilingkod ay may iba’t ibang karangalan tayong nakamit para sa ating bayan na masasabing maipagmamalaki ng bawat mamamayang Angatenyo. Bagamat mayroon parin pong mga kakapusan, masasabing marami na po tayong napagtulung-tulungang masimulan na mga pagbabago dito sa ating bayan. At gaya nga po ng ating pananaw na ang darating na Pasko at Bagong Taon ay simbolo ng pag-asa, patuloy po tayong umaasa na maaabot din natin ang rurok ng pag-asenso na hangad natin para sa bayan ng Angat at sa bawat mamamayang nananahan dito. Ito pong Christmas Tree na ito ang magsisilbing paalala sa ating mga Angatenyo na nananatili pa rin ang pag-asa na makamit natin ang mga pangarap para sa ating bayan.”
-Mayor Jowar Bautista
Nagkaisa ang mga mamamayan ng Angat upang saksihan ang pagsisindi ng Tanglaw sa Pag-Angat (Angat Christmas Tree) sa pangalawang pagkakataon. Pinangunahan ni Punong Bayan Reynante S. Bautista kasama ang Pangalawang Punong Bayan na si Arvin Agustin, kasama rin ang mga konsehal na sina Kon. William Vergel De Dios at Kon. Darwin Calderon, pati na rin ang mga opisyal ng lokal ng pamahalaan. Ang seremonya ay nagbigay diin sa simbolikong pag-ilaw ng liwanag at pag-asa sa bayan ng Angat.
Nagbigay din ito ng pagkakataon sa mga lokal na negosyo na magbukas sa Christmas Bazaar. Ang masayang pagtitipon na ito ay nagbigay-diin sa diwa ng Kapaskuhan at ang mahalagang mensahe ng pag-asa para sa lahat ng mga taga-Angat.
Comments