Isinagawa ang oryentasyon ng Tulong Pangkabuhayan para sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) para sa 270 benepisyaryo upang matulungan ang mga mamamayang nawalan ng trabaho, seasonal workers at microentrepreneurs sa ating bayan. Pinangunahan ng mga kawani ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang programa na naglalayong magbigay ng oportunidad sa mga residente na makibahagi sa mga proyekto ng komunidad.
Sa nasabing oryentasyon, ipinaliwanag ng mga kinatawan ng DOLE ang mga gampanin at responsibilidad ng mga benepisyaryo, kabilang ang paglilinis at pangangalaga sa ating komunidad. Ang mga aktibidad na ito ay bahagi ng layunin ng programa na hindi lamang magbigay ng pansamantalang hanapbuhay, kundi pati na rin ang pagpapabuti ng kalinisan at kaayusan ng bayan.
Ito ay dinaluhan nina Punong Bayan Reynante S. Bautista, Chief of Staff Atty. Reslyn Yambao, Konsehal Darwin Calderon, at Kapitan Nerio Valdesco. Ipinahayag ng Pamahalaang Bayan ng Angat ang kanilang taos-pusong pasasalamat kay Congressman Salvador Pleyto sa kanyang patuloy na suporta at pagkakaloob ng mga programang tulad nito para sa mga mamamayang Angatenyo.
Comments